Work In Progress: An Introduction
- H.D.R.
- May 29, 2019
- 3 min read
Noong bata pa ako, sakit sa ulo ng nanay ko 'yung mga kalat ko sa bahay. Medyo may pagka-destructive kasi ako. Nakahiligan kong mag buting-ting at bumuo ng kung anu-ano na pumapasok sa utak ko. Noon kasi wala akong mga laruan na pwede kong pagbuhusan ng aking imahinasyon, iba pa kasi priority noon sa pamilya, s'yempre pagkain muna bago luho. Naaalala ko pa noong gumawa ako ng sarili kong version ni Optimus Prime gamit mga kahon ng sabonng pampaligo, kahon ng toothpaste at kung anu-anong bagay na meron sa tabi-tabi.
Noong nag-aaral na ako sa elementary, nauso noon 'yung mga chichirya na may parte ng laruan sa loob. Kaya bata pa lang natutunan na namin yung sumalat at kumapa. 'Di ko malilimutan 'yung Robocop ko n na hindi nakumpleto kasi kulang ng kaliwang paa, o 'yung Megazord na walang chest plate kasi nag-highschool na ako nung lumabas yung huling piyesa medyo nahihiya na ako tumambay dun sa bilihan ng laruan sa labas ng elementary school ko noon.

Pagdating ko naman ng kolehiyo, sa ibang bagay na napunta ang interest ko, kabilang na d'yan ang photography, writing, video production. Nagkaroon na rin ako ng mga raket noon kaya nagsimula akong mag-collect ng mga laruan, paticular ang mga tinatawag na model kits. Ito yung mga laruan na binubuo tulad ng mga Gundam at model tanks o planes. Nakahiligan ko rin ang mga action figures from Final Fantasy VII and VIII, Voltes V, Daimos, at mga Transformers. Isa sa mga collectables na gusto ko sanang mapundar ay yung mga combiners ng Transformer series, ito yung mga laruang robot na binubuo ng 5-6 na individual na laruang tranformer para makabuo ng isang malaking unit. So far medyo pricey ang mga ito o di naman kaya ay mahirap makabili dahil paisa-isa sila kung bibilhin, pangit naman kung 'di mo mabubuo 'di ba?

Taong 2012 nang mapasok ako sa isang TV network bilang Motion Graphics Artist, then after three years naging Production Designer. Noong mga time na iyon nabarkada ako sa mga cosplayers at marami akong natutunan sa kanilang craft making, at na-interesado din ako gumawa ng mga props na ginagamit sa mga TV Productions. Nag-start ako magshoot ng Visual Effects (VFX) at gumawa ng sarili kong mga props. Nag-self study din ako ng stop-motion-animation, cell animation at iba't-ibang VFX styles.
Ngayon, na-regular na ako sa trabaho ko sa TV Network bilang Motion Graphics Artist kaya halos parang desk job na lang ang ginagawa ko. Masasabi kong medyo nakaka-limit ang trabaho ko ngayon 'di kagaya dati na may creative freedom ako sa mga ginagawa. Ngayon kasi hindi na ako nakakapag-shoot at in terms sa mga gamit, may na-provide namang computer para sa akin ang company, 'yun nga lang 'di ko magamit mga fonts at programs o plugins na gamit ko dahil hindi authorized ng kumpanya. Kaya siguro nakakaramdam ako ng frustrations every now and then. Siguro dahil hindi ko lubusang nagagawa ang mga gusto kong gawin at nalilimitahan sa mga pwede ko lang gamitin.
Ngayong araw ang umpisa ng aking ilang araw na vacation leave (VL) sa opisina, isa 'yun sa mga benefit ng isang regular na empleyado. Kung tutuusin, mula nang maregular ako sa trabaho, ngayon ko pa lang magagamit ang VL ko, kaya siguro excited din akong makapagpahinga, makapag-relax para mayroong bala pagpasok ulit. Pag-uwi ko kahapon nadaan ako sa Aurora Cubao foot bridge, may mga tindahan doon ng mga murang laruan at agad kong napansin ang mga construction vehicle na naka-display. Agad ko naisip ang combiner na si Devastator, binubuo siya ng 6 na construction vehicle para makabuo ng isang malaking transformer. Doon ko naisipang mag-kit bash o kit bashing na tinatawag. Ito yung pagko-customize ng mga model kits para makabuo ng sarili mong version nito.
Dito ko na naisipang gawin ang segment na ito, bilang outlet sa destructive and creative side ko. Hahanap ako ng mga cheap at locally available na mga laruan, idi-dismatle at bubuo ng bago mula sa mga pinagparte-parteng piyesa. At gaya nga ng nasabi ko kanina, uunahin ko buuin ang Transformer Combiner na si Devastator. Sa ngayon hindi ko pa alam kung gaano katagal aabutin ang kit bashing sa kanya, lalo na kapag nag-resume na ang aking normal schedule, siguro mabibigyan ko lang ito ng ilang oras na atensyon kada linggo. Pero sana ay samahan ninyo ako dito sa page na ito para sa mga updates sa pag buo sa mga projects na gagawin ko dito. Ido-document ko ang ating work-in-progress para sa project na ito through this blog page at sa social media videos (Facebook and Youtube).
Kung mayroon kayong naiisip na project na pwede kong gawin dito, kung may mga sari-sarili kayong kit-bash projects, o kung may mga techniques kayo na pwede n'yong i-share sa akin, mag-iwan lang ng comment.
Comments